MANILA, Philippines – Bumaha ng dasal para sa kanyang mabilis na paggaling ang mga naging kakampi ni Talk ‘N Text power forward Ranidel De Ocampo sa Gilas Pilipinas.
Ilan dito ay sina dating Gilas Pilipinas at Talk ‘N Text team captain at ngayon ay playmaker ng Meralco na si Jimmy Alapag, Asi Taulava ng NLEX at Rain or Shine guard Gabe Norwood.
“Prayers up for my brother @jutaca33,” panawagan ni Alapag para kay De Ocampo sa kanyang Twitter.
Dasal din ang hinihingi ng 42-anyos na si Taulava para kay De Ocampo na naging roommate niya sa 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China.
“Pls keep my Brotha@teamrdo, my roomie da Congressmen in ur prayers folks. Stay strong Del n get well soon roomie,” ani Taulava kay De Ocampo na anim hanggang walong linggong hindi makakalaro dahil sa kanyang back injury.
Ang mabilis na recovery naman ang hiling ni Norwood para kay De Ocampo, naging kakampi niya sa Gilas Pilipinas na kumuha ng silver medal sa FIBA Asia Championship noong 2013 at 2015.
“#prayersforRDO get well soon!,” wika ni Norwood ng Rain or Shine.
Nagkaroon si De Ocampo ng herniated disc injury sa likod na nangyari habang nagbubuhat siya ng weights sa Moro Lorenzo Sports Center noong Linggo.
Ayon sa mga doktor sa Makati Medical Center na hindi na kailangan ng 6-foot-5 na si De Ocampo na sumailalim sa isang operasyon.
“Herniated disc L5S1 level. No nerve compression. MD advised bed rest for now. Approx out for 6wks. Now able to move legs but w/ difficulty,” sabi ni Tropang Texters’ assistant coach Josh Reyes sa Twitter.
Tinurukan kahapon si De Ocampo ng epidural steroid para kontrolin ang pamamaga ng kanyang likod.
Nakarinig si De Ocampo ng lagitik sa kanyang likod habang binubuhat ang 100-kilo weight na karaniwan na niyang ginagawa.