MANILA, Philippines - Mararamdaman uli ng mga matataas na pinuno ng athletics federations sa Asya ang presensya ng Pilipinas sa pagtayo bilang punong-abala sa 83rd AAA Council Meeting sa susunod na linggo.
Nasa 30 Asian Federation heads mula sa 45-kasapi ng Asian Athletics Association (AAA) ang nagkumpirma na darating para sa pagpupulong na gagawin sa Oktubre 26 sa Solaire Resorts and Casino sa Aseana Avenue sa Parañaque.
“We take a lot of pride that Philippines is hosting the 38th AAA Council Meeting for the fourth time. We are the only ASEAN country to have hosted the meeting four times and the second in Asia after Japan,” wika ni PATAFA president Philip Ella Juico na nakasama si secretary-general Renato Unso sa pagbisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Si Juico ay nanalo bilang Vice President ng AAA sa election na ginanap noong Hunyo at agad niyang inaya ang mga opisyales na gawin sa bansa ang ikalawang Council Meeting ng bagong administrasyon na kanilang sinang-ayunan.
Ang AAA president na si Dahlan Al-Hamad ng Qatar at ang secretary-general Maurice Nicholas ng Singapore ang mangunguna sa mga opisyal ng pe-derasyon na dadalo sa pagpupulong.
Mahalaga ang hosting dahil maaalala ng lahat na ang Pilipinas ang isa sa nagtatag sa dating kilala pa bilang AAAA (4As) noong 1973 sa kapanahunan ni Governor Jose Sering Jr. Ang ikalawa at ikatlong hosting ng bansa ay nangyari noong 1993 at 2003 noong nakaupo bilang pangulo si Go Teng Kok.
“This (hosting) is good for us and we will be taken seriously like we were in the time of Go Teng Kok. We’re back and deserved to be back being a founding member of the AAAAs during the time of Governor Sering. That is something that we have to emphasize, that we have a legacy and what we want to do is to reassert ourselves in a productive way,” dagdag pa ni Juico.
Sa Oktubre 24 magsisimulang dumating ang mga delegasyon at kinabukasan ang welcome dinner. Sa Oktubre 26 ang pagpupulong at sa sumunod na araw ang pag-uwi ng mga delegado.
Malaking gastos ang hosting pero ipinagmalaki ni Juico tanging sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) lamang sila humingi ng tulong mula sa pamahalaan habang ang ibang pondo ay kinuha sa pribado sektor. (AT)