Odom nakalabas na ng ospital pero...

MANILA, Philippines - Pinalabas na ng ospital si dating pro basketball star Lamar Odom halos isang linggo matapos matagpuang walang malay sa isang bahay-aliwan sa Las Vegas, Nevada kung saan sinabi ng mga opisyal na gumamit siya ng cocaine.

Mula sa Nevada ay dinala si Odom sa Los Angeles-area facility para sa isa pang proseso ng gamutan.

Ang 35-anyos na si Odom ay isinakay sa helicopter mula sa Sunrise Hospital and Medical Center sa Las Vegas kasama ang kanyang asawang si reality television personality Khloe Kardashian, ayon sa ulat ng celebrity news website na E! News.

Sinasabing nanatili ang 31-anyos na si Kardashian, kasalukuyang nasa divorce proceedings kay Odom, sa tabi ng dating NBA star sa kanyang higaan mula nang isugod sa Sunrise Hospital noong Martes.

Hindi iniulat ng E! News kung saang pasilidad inilipat si Odom at kung bakit siya pinalabas ng ospital.

Wala pang ibinibigay na impormasyon ang Kardashian family o ang kinatawan ni Odom tungkol sa kondisyon ng dating Los Angeles Lakers forward.

Sinabi ng mga awtoridad at ng brothel staff na gumamit si Odom ng cocaine sa kanyang apat na araw na pamamalagi sa rantso at uminom ng 10 tableta ng herbal sexual-enhancement supplement na nagpapababa ng blood pressure.

Show comments