MANILA, Philippines – Nasa itaas ngayon ang UST Tigers dahil sa magandang ipinakikita ng kanilang mga beterano sa pangunguna ni Ed Daquioag.
Ang 22-anyos na isa sa tatlong manlalaro na mawawala kapag natapos na ang 78th UAAP men’s basketball ang siyang humahataw nang husto kaya may 7-1 baraha ang koponan ni coach Bong dela Cruz.
“Hindi ako nagtataka sa ipinakikita niya. Natural na ang laro niya dahil noong summer pa lamang ay nakita ko na ito,” wika ni Dela Cruz kay Daquioag.
Leading scorer ng koponan si Daquioag sa ibinibigay na 19.1 puntos sa 34 minutong playing time at nagpasiklab siya sa dalawang laro na hinarap ng UST sa linggong ito para igawad sa kanya ang ACCEL Quantum/3XVI-UAAP Press Corps Player of the Week.
Kinana ni Daquioag ang kanyang career-high na 34 puntos sa huling laro ng Tigers sa first round elimination laban sa UE Warriors tungo sa 83-76 panalo.
Apat na araw ang lumipas at nasa court uli ang Tigers para sa unang laro sa second round elimination kontra sa La Salle Archers.
Naunang nagdomina ang Archers at lumayo nang hanggang 11 puntos sa kaagahan ng huling yugto pero nagtiyaga ang Tigers hanggang sa nakuha ang 81-79 panalo.
Limang manlalaro ng UST ang nasa double-digits at si Daquioag ay mayroong 17 para magkaroon ng apat na sunod na panalo ang koponan at makasalo sa FEU Tamaraws sa unang puwesto sa 7-1 baraha.
Makakaasa na hindi ito ang huling pagkakataon na gagana ang kamay ni Daquiaog dahil bukod sa mabigyan ng titulo ang UST sa liga ay may isa pa siyang misyon.