DOHA, Qatar – Lumasap si light flyweight Rogen Ladon ng masaklap na pagkatalo sa kanyang dikitang semifinals bout laban kay Russian Vasili Egorov nitong Linggo ng gabi para madiskaril sa inaasam na slot sa Summer Olympics na gagawin sa Rio de Jainero sa Agosto ng susunod na taon.
Ang naturang torneo ang unang qualifying tournament para sa boxing competition ng Olympics.
Kailangan na lang ipanalo ni Ladon ang naturang laban para makakuha ng slot sa Rio Olympics dahil ang gold at silver medalist sa light flyweight division ang makakasama sa Olympiad.
Ngunit ibinigay ng mga judges mula sa Cuba, Great Britain at Mongolia ang panalo sa Russian sa magkakaparehong score na 29-28.
Uuwi si Ladon na may dalang bronze medal.
May 18 bansa mula sa 73 ang umabot sa semifinal round tampok ang 40 boxers sa 10 weight divisions na naglaban-laban para 23 Olympic passes.
“We thought Rogen won it, but in close fights such as this, you have to be prepared for the worst,” sabi ni Picson.
Ang Russian ay seeded number 4 habang No. 17 naman si Ladon, sumilat sa number 1 seed na si Joselito Velazquez Altamirano ng Mexico noong Huwebes.
“Our boxers earned the respect and admiration of so many here. Then again what we wanted more was Olympic qualification,” sabi pa ni Picson.
Nakatikim din ng masaklap na pagkatalo ang isa pang Pinoy na si Filipino boxer-Eumir Felix Marcial laban kay No. 1 Daniyar Yeleussinov ng Kazakhstan sa quarterfinals na sa tingin ng marami ay dapat sana’y siya ang nanalo.
May tatlo pang pagkakataon ang mga boxers na mag-qualify sa Olympics. Una ay sa Asia-Oceania qualifiers sa March ng susunod na taon sa China, sa Final AOB qualifiers sa Azerbaijan sa June at sa APB/WSB qualifiers sa May sa Bulgaria.
Ang Philippines ay may dalawang APB/WSB boxers-lightweight na sina Charly Suarez at light flyweight Mark Anthony Barriga.
Ang mga babaeng boxers ay sasali rin sa qualification tournament sa January sa Astana, Kazakhstan.