‘Twice-to-beat’ na ang SBC Red Lions
MANILA, Philippines - Sa pang-10 sunod na season ay muling umabante ang San Beda sa Final Four.
Kumolekta sina Nigerian imports Ola Adeogun at Donald Tankoua at pro-bound Arthur dela Cruz ng pinagsamang 31 points at 34 rebounds para igiya ang five-peat champions na Red Lions sa 77-73 panalo kontra sa Letran Knights at angkinin ang isang silya sa Final Four bitbit ang ‘twice-to-beat’ incentive sa 91st NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Nag-ambag naman sina Amiel Soberano at Jay Mocon ng 11 at 9 points, ayon sa pagkakasunod, para sa ika-13 panalo ng San Beda sa 18 laro.
Mula sa maliit na four-point lead sa first period ay pinalobo ng Red Lions ang kanilang bentahe sa 43-25 sa halftime.
Kumuha naman ang Arellano ng playoff para sa Final Four nang talunin ang sibak nang Emilio Aguinaldo College, 98-90, tampok ang ikaapat na triple-double ni point guard Jio Jalalon sa season.
Tumapos si Jalalon na may 31 points, 10 rebounds at 10 assists para sa ikalawang sunod na panalo ng Chiefs at pang-12 sa kabuuan.
Inamin ni coach Jerry Codiñera na nawala sa focus ang Arellano na naghangad ng malaking winning margin para makakuha ng playoff sa Final Four.
"Parang na-off track kami dun kasi ang hirap hirap manalo, may points pa kaming hinahabol, kaya nawala kami sa rhythm,” wika ni Codiñera sa Chiefs na nagtala ng 20-point lead bago nakalapit ang Generals sa 86-89 agwat sa fourth quarter.
Kinamada ni Jalalon ang huling 13 points para muling ilayo ang Arellano. Nalasap ng EAC ang kanilang pang-10 sunod na kamalasan.
Humugot naman si Darell Menina ng 10 sa kanyang 17 points sa fourth period para tulungan ang Mapua Cardinals sa 77-72 panalo kontra sa talsik nang St. Benilde Blazers. (RC)
SAN BEDA 77- Adeogun 13, Soberano 11, Amer 10, Tankoua 10, Koga 9, Mocon 9, Dela Cruz 8, Tongco 3, Cabanag 2, Sorela 2, Sara 0, Presbiterio 0, Sedillo 0.
Letran 73- Nambatac 16, Cruz 12, Balanza 11, Luib 9, Quinto 8, Apreku 7, Racal 6, Sollano 2, Calvo 2, Publico 0.
Quarterscores: 19-15; 43-25; 61-48; 77-73.
- Latest