2 laro ng Azkals ililipat sa Rizal Memorial pitch

MANILA, Philippines - Sa hangaring magkaroon ng mas maraming manonood ay nagdesisyon ang Philippine Football Federation (PFF) na ilipat na sa Rizal Memorial Football pitch ang huling dalawang home games ng Azkals sa 2018 FIFA World Cup Russia qualifiers.

Ang naunang dalawang home games laban sa Bahrain (2-1) at Uzbekistan (1-5) ay ginawa sa Phi-lippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan pero kaunti lamang ang nanood dahil sa layo ng venue.

“We have requested for the change in venue from the Philippine Sports Stadium in Bocaue to the venerable Rizal Memorial Football field because we want to give the fans an easier ride to watch the match. We hope this time, the fans would come,” wika ni Philippine Football Federation (PFF) secretary-general Ed Gastanes.

Sa Nobyembre 12 lalaro sa Rizal ang Azkals at katipan nila ang Yemen at ang huling home game ay laban sa North Korea sa Mayo 29, 2016.

Hindi na babalik sa Philippine Stadium ang laro dahil isang beses lamang puwedeng magpalit ng venue ayon sa alituntunin ng kompetisyon.

Ang presyo ng tickets ay ipapaalam sa mga susunod na araw at tiniyak ni Gastanes na makakaya ito ng mga panatiko sa sport.

“We have categorized the seats into five categories. Affordable pa rin and we will announced it soon,” sabi pa ni Gastanes.

Mahalaga ang makukuhang resulta sa dalawang home games na ito ng Azkals para madetermina kung aabante pa sila sa kompetisyon.

Sa kasalukuyan ay mayroong 2-1 karta at anim na puntos ang koponan para makasalo ang Uzbekistan sa ikalawang puwesto sa Group H.

Sa Oktubre 8 ay kalaro ng Azkals ang walang talong North Korea (9 puntos) at hindi malayong madiskaril ang nationals. Kaya magiging krusyal ang resulta sa huling tatlong laro ng nationals na ang isa ay isang away game sa Tashkent, Uzbekistan sa Marso 24 para sa hangaring manatiling buhay ang paghahabol ng puwesto sa World Cup.

Show comments