Bigo uli ang Altas
MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling naipagkait sa Altas ang pagsikwat sa isang playoff seat sa Final Four.
Ito ay nang gulatin ng sibak nang San Sebastian College-Recoletos ang Perpetual Help, 91-87 sa se-cond round ng 91st NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ikalawang laro, tinalo naman ng Jose Rizal Heavy Bombers ang talsik nang Lyceum Pirates, 64-55 para palakasin ang kanilang tsansa sa playoff seat sa Final Four.
Nagtala si scoring guard Tey Teodoro ng career-high-tying na 32 points para sa pang-limang sunod na arangkada ng Heavy Bombers upang makatabla ang Altas sa ikatlong puwesto.
Sina Jamil Ortuoste at Bradwyn Guinto ang mu-ling nagbida para sa Stags na nauna nang ginitla ang Letran Knights at ang five-peat champions na San Beda Red Lions.
“Kahit out na kami, sinabi ko sa mga players na maglaro lang sila nang may pride para sa school,” sabi ni rookie coach Rodney Santos.
Kumamada si Ortuoste ng season-high na 27 points, habang humakot si Guinto ng 25 markers at 11 rebounds para sa pang-anim na panalo ng San Sebastian sa 17 laro.
Nawalang-saysay naman ang pang-pitong triple-double ni 2014 NCAA MVP Scottie Thompson’ na tumapos na may 15 points, 12 assists at 15 boards para sa Perpetual.
Binuksan ng Altas ang laro sa 10-0 abante bago humugot si Ortuoste ng 19 points para itaas ang Stags sa 61-57 sa third quarter.
Ang tres ni Ortuoste ang nagbigay sa Recto-based team ng 64-57 kalamangan sa pagsisimula ng final canto hanggang makadikit ang Las Piñas-based cagers sa 82-83.
Ang magkasunod na basket nina Guinto at Michael Calisaan ang naglayo sa San Sebastian sa 87-82.
- Latest