MANILA, Philippines – Sa biglaang pag-atras ni Scott Quigg ay napilitan si Bob Arum ng Top Rank Promotions na ihanap ng ibang kalaban si dating world five-division champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Sinabi ni Arum na maaari niyang itapat si Donaire kay Mexican fighter Cesar Suarez, ang kasalukuyang No. 1 contender sa super bantamweight division ng World Boxing Organization.
“We’d like him to face this Suarez kid, the number one WBO (super bantamweight) guy from Mexico in either a title eliminator or an interim title,” wika ni Arum kay Donaire.
Matapos magkaroon ng inisyal na pag-uusap ay biglang tinanggihan ni Quigg na itaya ang kanyang suot na Word Boxing Association ‘regular’ super bantamweight title laban kay Donaire.
Sinabi ni Arum na ginawa ito ni Quigg nang hu-mingi ng premyong hindi kakayanin ng Top Rank na ibigay sa kanya.
“They were serious about doing that fight but then when they say with Quigg he wanted so much money to make it, it was impossible to do,” wika ni Arum sa Matchroom Boxing Promotions na humahawak sa tubong Manchester, England.
Sinasabing natakot si Quigg na maagaw sa kanya ni Donaire ang kanyang hawak na korona kaya ito umatras.
Si Donaire ay ang dating IBF/IBO flyweight, WBA interim super flyweight, WBO/WBC bantamweight, WBO/IBF super bantamweight at WBA featherweight champion.
Nanggaling si Donaire sa isang second-round knockout victory kay Anthony Settoul ng France sa isang 10-round, non-title bout noong Hulyo sa Macau.