Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. – FEU vs UST (Game 2, battle-for-third Shakey’s V-League)
3 p.m. – EAC vs NCBA (Game 2 battle-for-third Spikers’ Turf)
MANILA, Philippines – Okupahan na ang ikatlong puwesto ang nais gawin ng FEU Lady Tamaraws at Emilio Aguinaldo College Generals sa Game Two ng best-of-three series sa Shakey’s V-League at Spikers’ Turf ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Tiyak na puno ng determinasyon na sasalang ang Lady Tamaraws sa larong magsisimula sa ganap na ika-12:45 p.m. kontra sa UST Tigresses bago palitan ng Gene-rals at NCBA Wildcats dakong alas-3 ng hapon.
Hiniritan ng Lady Tamaraws ang Tigresses ng 25-17, 25-17, 10-25, 25-20 upang mamuro ang pakay na kunin ang susunod na pinakamagandang pagtatapos dahil hindi sila umabot sa finals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Sina Bernadeth Pons at Jovelyn Gonzaga na naghatid ng 16 at 11 puntos sa unang tagisan, ang mangunguna sa FEU pero tiyak na susuportahan sila ng ibang kasamahan tulad nina Honey Royse Tubino, Remy Palma at Toni Rose Basas para hindi na papormahin ang Tigresses.
Hindi naman basta-basta bibigay ang Tigresses na aasa kina Pamela Lastimosa, En-najie Laure, Carmela Tunay at Marivic Meneses.
Kung makaisa ang Tigresses, ang deciding game ay paglalabanan sa Oktubre 3.
Inaasahan namang hahataw uli ang best scorer ng Spikers’ Turf na si Howard Mojica para kunin na ang ikatlong puwesto sa Wildcats.
Sa pamamagitan ng 11 kills, 9 aces at isang block ni Mojica ay namayagpag ang Gene-rals sa Wildcats sa 25-18, 25-12, 25-14 sa unang labanan.
Bukod sa mas magandang reception, kailangang paigtingin ng NCBA ang kanilang serve dahil hindi sila nagkaroon ng puntos sa aspetong ito sa Game One. (AT)