MANILA, Philippines – Isa na namang magaaang panalo ang itinala ng Gilas Pilipinas nang kanilang ilampaso ang Kuwait, 110-64 para sa magandang pagtatapos sa group eliminations ng 2015 FIBA Asia Championship Friday sa CSWC Dayun sa Changsha, China.
Muling nagpamalas ng impresibong laro si Terrence Romeo sa pagtatala ng 19 points at muling sumuporta si Jayson Castro sa pagkamada ng 16 points habang muntik nang maka-double-double si Asi Taulava sa kanyang 9-points at 10-rebounds.
Nakadikit lamang ang Kuwait sa kaagahan ng laro bago kumawala ang tropa ni coach Tab Baldwin para tuluyang iwan ang mga kalaban para sumulong sa ikalawang round ng kompetisyong ito na nagsisilbing Asian qualifying tournament para sa Rio de Jainero Olympics sa susunod na taon.
Kagrupo ng Pinas sa susunod na round ang Iran, Japan at India.
Hindi nakayanang tapatan ng Kuwait ang mahusay na opensa ng mga Pinoy bagama’t umangat ang laro nina Abdularhman Al-Shammari at Abdullah Al-Saeid na umiskor ng 15 at 13-puntos ayon sa pagkakasunod.
Mula sa 11-10 bentahe ng Gilas sa gitnang bahagi ng first quarter, humataw ng 33-1 run ang mga Pinoy para maagang iparamdam ang kabiguan sa mga kalaban.
Sa kabuuan, ang bench ng Gilas ay umiskor ng 64 puntos.
Samantala, tulad ng inaasahan, pinangunahan ng defending champion Iran at host China, ang pagmartsa ng malalakas na koponan sa second phase ng kompetisyon.
Pinangunahan ng Iran, tatlong beses nagkampeon sa huling 4-edisyon ng torneo, ang Group A matapos manalo ng average margin na 46.6 points.
Gilas Pilipinas 110 – Romeo 19, Castro 16, Abueva 10, Intal 10, De Oampo 9, Taulava 9, Hontiveros 9, Blatche 8, Thoss 8, Ganuelas 6, Norwood 4, Pingris 2.
Kuwait 64 – A. Alshammari 15, Alsaeid 13, Abu Dhom 12, Alhamidi 9, Borhamah 7, Aljuma’h 5, Hasan 3, M. Alshammari 0.
Quarterscores: 34-11; 55-27; 87-48; 110-64.