Beda versus Baste ngayon

MANILA, Philippines – Sa 87-80 panalo ng San Beda laban sa sibak nang Lyceum noong nakaraang Huwebes ay nag-ambag si Radge Tongco ng 14 points.

Ayon kay rookie coach Jamike Jarin, kakailanganin nila ang kontribusyon ng lahat ng players para makapasok sa Final Four at masikwat ang isa sa top two seats na may ‘twice-to-beat’ incentive.

“It’s practically win or bust for all of the teams still in Final Four contention,” sabi ni Jarin.

Hangad mapalawig ang kanilang pangunguna sa second round, lalabanan ng five-peat champions na Red Lions ang talsik nang San Sebastian Stags ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng Perpetual Altas at nang bakasyonistang Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-2 sa 91st NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Bukod kay Tongco, muli ring aasahan ng San Beda sina 6-foot-8 Nigerian import Ola Adeo-gun, pro-bound Arthur Dela Cruz at Baser Amer, habang muling sasandig ang San Sebastian kina Jon Ortouste at Spencer Pretta.

Kumamada sina Ortouste at Pretta ng pinagsamang 25 markers sa kabuuang 35 points ng Stags sa second period para talunin ang Generals, 91-77 noong nakaraang Miyerkules.

Samantala, pipilitin naman ng Perpetual na makatabla sa Letran sa pagharap sa EAC.

Sa 70-47 paglampaso ng Altas sa sibak nang St. Benilde Blazers sa kanilang huling laro ay itinala ni pro-bound Earl Scottie Thompson ang kanyang ikaanim na triple-double ngayong season.

Tumapos si Thompson na may 21 points, 10 rebounds at 10 assists, habang nagdagdag sina Nigerian imports Bright Akhuetie at Prince Eze ng 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod. (RC)

Show comments