LILLE, France – Tinakasan ng Lithuania ang Serbia, 67-64, para umabante sa finals ng European basketball championship at ibulsa ang tiket para sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Lalabanan ng Lithuania ang Spain sa finals.
Kumamada si Jonas Valanciunas ng 15 points para pangunahan ang Lithuania, winakasan ang seven-game winning streak ng Serbia.
Ang Serbians ang highest scoring team ng torneo sa kanilang average na 88 points per game.
Nalimitahan ng Lithuania ang Serbia, ang 2014 World Cup silver medalist, sa 33-percent fieldgoal shooting.
“To beat Serbia while having 20 turnovers and making only two 3-pointers is something unbelievable,” sabi ni Lithuania coach Jonas Kazlauskas.
Nagtala ang Serbia ng mahinang 6-of-28 shooting sa 3-point line, habang nagtumpok ang Lithuania ng 2-of-14 clip.
Sinabi ni Serbian coach Sasha Djordjevic na masyadong nagbabad ang kanyang koponan sa 3-point line.
“We made some bad choices taking a lot of 3-point shots. We stubbornly tried to win the game with the big three instead of moving the ball in and out. If we made those shots, it would have been different. But we can’t live with 6-for-28,” sabi ni Djordjevic.
Haharapin ng Serbia ang France, tinalo ng Spain sa semifinals, para sa bronze medal match.
Parehong nakakuha ang Serbia at France ng silya para sa susunod na Olympic qualifying tournament.
Samantala, tinalo ng Czech Republic ang Latvia, 97-70, para tumapos sa pang-pito at ibulsa ang huling tiket sa qualifying tournament.
Bukod sa Serbia, France at Czechs, maglalaro din ang Greece at Italy sa Olympic qualifying tournaments.