MANILA, Philippines – Hindi mangangapa ang mga atleta ng bansa kung ang mga pasilidad na gagamitin sa 2018 Asian Games ang pag-uusapan.
Sa isinagawang pag-pupulong kahapon ng Olympic Council of Asia (OCA) General Assembly sa Ashgabaat, Turkmenistan ay sinang-ayunan ng body ang plano ng host Indonesia na gawin ang mga laro sa Jakarta at Palembang.
Ang Jakarta ang main venue at siyang pagsasagawaan ng opening at closing habang ang ibang palaro ay idaraos sa Palembang, ang lugar na pinagganapan ng 2011 South East Asian Games.
Kumatawan sa bansa sa pagpupulong sina POC president Jose Cojuangco, chairman Tom Carrasco Jr. at secretary-general Steve Hontiveros at ibinunyag din na nasa 34 sports ang paglalabanan at 28 rito ay mga Olympic sports at anim ang Asian sports.
“Ginawa ang paghihiwalay ng mga laro sa dalawang siyudad dahil ito ang itinutulak ng IOC para hindi lubhang maging magastos sa isang lugar ang malaking hosting tulad ng Asian Games,” pahayag ni Carrasco.
Sa Vietnam dapat gagawin ang 18th Asian Games pero umayaw sila dahil sa gagastusin. (AT)