MANILA, Philippines – Sadyang hindi malimutan ni Nigerian import Bright Akhuetie ng Perpetual Help ang nalasap nilang kabiguan sa five-peat champions na San Beda College sa first round.
Nangako ang 6-foot-8 na si Akhuetie na reresbakan ang Red Lions at si Nigerian reinforcement Ola Adeogun.
Humakot si Akhuetie ng 31 points na tinampukan niya ng game-winning basket sa pagtunog ng final buzzer para ilusot ang Altas laban sa Red Lions, 88-86, sa second round ng 91st NCAA men’s basketball tournament.
Sapat na ito para hirangin ang 19-anyos na si Akhuetie bilang NCAA Press Corps Player of the Week.
“I know we can beat them,” sabi ni Akhuetie sa San Beda. “After the first round, we talked to ourselves that we have to make it even.”
Ngunit ang eksenang hindi malilimutan ay ang dumadagundong na slam dunk ni Akhuetie kontra sa 6’8 na si Adeogun.
Sa huling tatlong minuto ng laro ay tumanggap si Akhuetie ng pasa mula kay 2014 NCAA Most Valuable Player Earl Scottie Thompson at nilundagan si Adeogun para sa kanyang tomahawk jam.
Maski siya ay nagulat sa nangyari.
“Even I didn’t see it coming. I’d have to give credit to Scottie for that pass. When it’s Ola defending you, you have to go hard like that to score,” wika ni Akhuetie, tinalo sina Arellano star guard Jiovanni Jalalon, Letran playmaker Mark Cruz at Mapua import Allwell Oraeme para sa weekly award. (RC)