Blaze Spikers hindi uurong sa mga kalaban sa Asian Women’s Club meet
PHULY, Vietnam – Maaaring mabigat ang kompetisyon, ngunit ang misyon ng Petron ay ang makatapos na may magandang kartada sa 2015 AVC Asian Women’s Club Championship dito sa Ha Nam Competition Hall.
Kumpiyansa ang Blaze Spikers, nagreyna sa nakaraang Philippine Superliga Grand Prix, na mabibigyan nila ng magandang laban ang mga club teams sa Asya para sa tsansang umabante sa FIVB World Women’s Club Championship sa susunod na taon.
Isa sa mga kasalukuyang nilalabanan nila habang isinusulat ito ay ang eksperyensadong 4.25 Sports Club ng North Korea.
Ang upset victory sa North Koreans ang tiyak na magpapalakas sa loob ng Petron sa pagharap sa Islamic Azad University ng Iran bukas, sa two-time champions na Hisamitsu Seiyaku Springs ng Japan sa Martes at sa Zhejiang ng China sa Miyerkules sa kanilang mga classification matches.
Sa nakaraang edisyon ng torneo na idinaos sa Nakhon Pathom, Thailand ay pumang-walo ang bansa, kinatawan ng PLDT katuwang sina imports Misao Tanyama ng Japan at Regla Bell ng Cuba, sa 10 kalahok.
Ang korona ay kinuha ng Hisamitsu Springs ng Japan kasunod ang Tianjin Bohai Bank ng China at Zhetyssu Taldykorgan ng Kazakhstan.
“That’s how tough this competition is,” pahayag ni Petron coach George Pascua.
“But we will try our very best to surpass the finish of the Philippines last year. I am confident with my team. Our core players have been playing together for almost two years and we’re just tweaking some plays to accommodate our new player, Abby (Maraño), as well as our imports (Rupia Inck Furtado and Erica Adachi),” dagdag pa nito.
Sinabi pa ni Pascua na may estratehiya sila para mawala ang height advantage ng kanilang mga kalaban.
Inaasahang gagamitin ng Blaze Spikers ang kanilang mga backrow attacks.
“This is an elite tournament. Everybody prepared something to get ahead of the competition,” sabi ni Pascua. “We will carefully study them in the first set. Kumbaga sa boxing, jab-jab muna. Then, kapag nakita na natin ang weakness ng kalaban, saka tayo aatake.”
Ang Petron ay binubuo nina Rachel Anne Daquis, Dindin Manabat, Ces Molina, Fille Cayetano, Jen Reyes, Acy Masangkay, Mina Aganon, Mayette Zapanta, Aia del Mundo at skipper Maica Morada.
- Latest