PHU LY, Vietnam – Matapos makapagpa-hinga mula sa mahabang biyahe, sisimulan na ng Petron Lady Blaze ang kampanya sa 2015 Asian Club Women’s Championship sa pagharap sa 4.25 Sports Club ng North Korea ngayon sa Ha Nam Competition Hall dito.
Magsisimula ang aksiyon sa alas-5:00 ng hapon kung saan hangad ng Blaze Spikers na makagawa ng major impact sa prestihiyosong tournament na ito kung saan siyam na mahuhusay na club teams ng Asia ang maglalaban para sa karapatan na kumatawan ng kontinente sa FIVB World Women’s Club Championship sa susunod na taon.
Ang Blaze Spikers, bumiyahe ng tatlong oras mula Manila patungong Bangkok bago ang dala-wang oras na biyahe mula Bangkok patungong Hanoi, Vietnam bukod pa sa dalawang oras na biyahe ng bus mula Hanoi patungong Phu Ly ay nag-training agad kahapon para sa pagharap sa mga Koreana.
“We haven’t seen them yet, but we’re ready,” sabi ni coach George Pascua, nagdala sa Blaze Spikers sa titulo ng Philippine Superliga (PSL) Grand Prix and All-Filipino Conference.
Sinabi ni Pascua na nasa kondisyon ang mga Brazilian reinforcements na sina middle spiker Rupia Inck at setter Erica Adachi habang sina Aby Maraño, Rachel Anne Daquis at Dindin Manabat ay handa na ring masubukan ang kanilang husay laban sa mga pambato ng Asia.