MANILA, Philippines – Sa ikalawang torneo na sinalihan ni Hidilyn Diaz ay mu-ling lumabas ang angking lakas nito nang tanghaling kampeon sa women’s 53 kilogram division sa idinadaos na 26th Senior Women at 45th Senior Men Asian Weightlifting Championships sa Phuket, Thailand.
Kahapon sumalang ang beterana ng Beijing at London Olympics at patuloy na pinahanga ni Diaz ang lahat nang makapagtala ito ng 214kg. total lifts para hiyain ang limang iba pang nakalaban.
Nagawa ito ng tubong Zamboanga City lifter matapos ang 96kg. sa snatch at 118kg. sa clean and jerk na pinakamataas din sa dalawang kategorya para sa dalawa pang gintong medalya.
Sa unang lift sa snatch lamang nagkaroon ng error si Diaz pero hindi dahilan ito para kilalaning pinakamahusay sa kategorya dahil tinalo niya ang mga pambato ng North Korea na si Kim Su Ryon at Vietnam na si Nguyen Thi Thuy sa 208kg. at 196kg. total.
Nagsali rin ang host Thailand, South Korea at China para makumpleto ang anim na lifters na naglaban sa 53kg. category.
Bago ito ay nagkampeon muna si Diaz sa South East Asian Weightlifting Championships sa Bangkok noong Hunyo nang makapagtala ng 213kg. total mula sa 97kg sa snatch at 115kg sa clean and jerk.
Si Diaz ang magiging kauna-unahang lady lifter ng Pilipinas na nanalo ng ginto sa Asian Championships at ikalawang lifter mula sa bansa dahil ang una ay si Nestor Colonia na nagkampeon sa men’s 56kg. noong Linggo.
Bumuhat si Colonia ng 274kg. mula sa 121kg. sa snatch at 153kg. sa clean and jerk upang maliitin ang hamon nina Tran Le Quoc Toan ng Vietnam (272kg) at Krvai Thong Sinphet ng Thailand (268kg).
Sa ipinakita nina Diaz at Colonia ay tiyak na rin ang pagsali nila sa World Weightlifting Championships sa Nobyembre sa Houston, Texas na isang qualifying tournament para sa 2016 Rio Olympics. (AT)