Tamaraws, Archers umiskor
MANILA, Philippines – Ipinakita sa gawa ng FEU Tamaraws ang pagiging paborito sa 78th UAAP men’s basketball nang durugin ang Ateneo Blue Eagles, 88-64, kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinandalan ang magandang shooting, dinomina ng Tamaraws ang Blue Eagles mula sa simula para makapagtala ng impresibong panalo.
“Ang motivation namin is to bounce back sa nangyari sa Finals. We knew it will be hard playing Ateneo but the players were up to the challenge. I’m proud of them,” wika ng third year FEU coach Nash Racela na pumangalawa sa nagdaang season.
May career-high na 19 puntos si Roger Pogoy mula sa 7-of-12 shooting, habang sina Mike Tolomia, Mark Belo at Raymar Jose ay naghatid ng 17, 16 at 16 puntos para sa FEU.
Ang MVP noong nakaraang taon na si Kiefer Ravena at Gwayne Capacio ay may 25 at 14 puntos at nagsanib sa 13-of-35 shooting.
Ngunit ang ibang kakampi ay wala sa kondisyon at nagsalo sa mahinang 10-of-42 marka.
Bago ito ay pinana ng La Salle Green Archers ang nagdedepensang National University Bulldogs, 67-63, at sina Jeron Teng at Jason Perkins ang nagdala sa nanalong koponan.
May 18 puntos si Teng, habang may double-double na 13 puntos at 12 boards si Perkins at sila ay nagtuwang sa mahalagang 4-0 run para maisantabi ang pagbangon ng Bulldogs mula 15 puntos.
Naiwanan ng 30-45 sa ikatlong yugto, nagkaroon ng pagkakataon na makatabla ang NU nang malagay sa free throw line si Gelo Alolino at lamang ng dalawa ang La Salle.
Pero ang unang free throw lamang ang kanyang naipasok bago bumanat si Perkins ng dalawang charity shots na nasundan ng pabandang buslo ni Teng.
- Latest