MANILA, Philippines – Sisikapin ng Ateneo Blue Eagles at ng National University Bulldogs na pangatawanan ang pagiging top two teams sa pagharap sa magkahiwalay na laban sa semifinals series ng Spikers’ Turf Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Tinapos ang quarterfinals bitbit ang malinis na 7-0 karta, ang Blue Eagles ay haharap sa NCBA Wildcats sa ala-1 ng hapon, habang ang pumangalawang Bulldogs (6-1) ay mapapalaban sa Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-3 sa Game One ng kani-kanilang best-of-three semis series.
Kinailangan ng apat na sets ng Blue Eagles bago nagapi ang Wildcats sa naunang pagkikita, 31-33, 25-18, 25-12, 25-21.
Pero tiyak na mas matikas ang larong makikita sa UAAP champions na Ateneo.
Galing ang koponan mula sa straight sets win laban sa Bulldogs noong Agosto 31 para patikimin ng unang pagkatalo ang NU.
Si Marck Espejo na gumawa ng 138 puntos, tampok ang 107 attack points, ay muling makikipagtulungan kina Rex Intal, Ysrael Wilson Marasigan at Joshua Villanueva para huwag papormahin ang NCBA na tinalo sa straight sets ang La Salle Green Archers sa playoff noong Sabado.
Nangibabaw din ang Bulldogs laban sa Generals, 25-20, 25-21, 27-25, noong Hulyo 13.
Ngunit hindi malayong mapahirapan sila dahil tumaas na ang kalidad ng laro ng NCAA champions na Generals.
Ibabandera ng EAC ang mahusay na si Howard Mojica na siyang namamayagpag sa pagpuntos sa liga.