Lady Eagles dinagit ang No. 1 seat; Lady Tams pasok sa semis
MANILA, Philippines – Winalis ng Ateneo Lady Eagles ang mga laro sa quarterfinal round, habang inangkin ng nagdedepensang FEU Lady Tamaraws ang ikatlong upuan sa semifinals nang manalo sila sa kanilang mga laro sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nangunang muli si Alyssa Valdez sa kanyang 28 puntos, kasama ang 25 kills, habang sina Amy Ahomiro, Jhoanna Maraguinot, Bea De Leon at Gizelle Tan ay naghatid ng mga krusyal na puntos para makabangon ang Ateneo sa pagkatalo sa first set tungo sa 15-25, 25-19, 25-21, 25-23 panalo sa National University.
Si Tan ay nagpakawala ng dalawang sunod na aces para sa huling tatlong puntos sa third set bago binigyan ng perfect back-set si Valdez upang hawakan ng Lady Eagles ang match point sa fourth set.
Nakuha ng two-time defending UAAP champions na Ateneo ang ika-pitong panalo nang ma-block ni De Leon si Aiko Urdas.
Sinandalan naman ng FEU ang magandang pagtutulungan ng mga ginamit sa laro tungo sa 25-16, 19-25, 27-29, 25-15, 15-10 tagumpay sa naubos na UST Tigresses sa ikalawang laro.
May 16 at 14 puntos ang mga guest players na sina Honey Royse Tubino at Jovelyn Gonzaga, habang nagsanib sa 35 puntos sina Bernadeth Pons, Remy Joy Palma, Toni Rose Basas at Jerrili Malabanan para samahan ang Ateneo at NU sa Final Four sa kanilang 5-2 baraha.
Ang UST ay nalagay sa ikaapat na puwesto sa kanilang 4-3 marka, ngunit puwede silang umabante sa semis kung mabibigo ang Arellano Lady Chiefs laban sa St. Benilde Lady Blazers ngayong hapon.
- Latest