MANILA, Philippines - Lalaban sina world flyweight champion Donnie “Ahas” Nietes at dating two-division world titlist Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria sa parehong petsa ngunit sa magkaibang venue sa United States.
Kaya naman nagkasundo ang magkabilang kampo na mag-spar silang dalawa sa Wild Card Boxing Gym ni Hall of Fame trainer Freddie Roach sa Hollywood, California.
Sinabi ng 33-anyos na si Nietes (36-1-4, 21 knockouts) na magtutulungan sila ng 34-anyos na si Viloria (36-4-0, 22 KOs) para paghandaan ang kanilang mga laban sa Oktubre 17.
Itataya ni Nietes ang kanyang suot na World Boxing Organization light flyweight crown laban kay Mexican challenger Juan Alejo (21-3-0, 13 KOs) sa ‘Pinoy Pride 33’ sa StubHub Center sa Carson City, California.
Ito ang unang pagkakataon na lalaban ang tubong Murcia, Negros Occidental sa US.
Tatangkain namang kunin ni Viloria kay Nicaraguan Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez 43-0-0 (37 KOs) ang hawak nitong World Boxing Council flyweight belt sa Madison Square Garden sa New York City.
Matapos maagaw ang kanyang mga suot na WBA at WBO flyweight belts ni Juan Estrada noong Abril ng 2013 ay apat na sunod na panalo ang itinala ni Viloria na tinampukan ng tatlong knockout.
Ang huling pinatumba ni Viloria ay si dating world title challenger Omar Soto sa first round noong Hulyo 25 sa Hollywood, California.
Sina Nietes at Viloria ay magsasanay sa ilalim nina Roach at Filipino assistant Marvin Somodio.