Laro NGAYON
(Smart Araneta Coliseum)
12 nn – opening ceremony
2 p.m. – UE vs UP
4 p.m. – UST vs Adamson
MANILA, Philippines - Apat na koponan na nasibak agad sa kompetisyon noong nakaraang taon ang mag-uunahan na bigyan ang kanilang paaralan ng magandang panimula sa pagbubukas ngayon ng 78th UAAP men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum.
Mangunguna rito ang host UP Maroons na patutunayan ang sinabi ng kanilang rookie coach na si Rensy Bajar na kaya nilang mag-Final Four sa pagbangga sa UE Red Warriors sa ganap na ika-2 ng hapon.
Sisilipin naman ang ipakikitang laro ng mga graduating players na sina Karin Abdul, Kevin Ferrer at Ed Daquioag sa pagharap ng UST sa Adamson Falcons dakong alas-4.
Isang makulay na se-remonya ang masisilayan sa ganap na ika-12 ng tanghali at bibigyan ng buhay ng host UP ang tema ng liga na Tumitinding, Sumusulong sa pamamagitan ng awitin at pagsayaw.
Magpapatuloy ang aksyon bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City at magtatapat sa unang laro ang La Salle Archers laban sa nagdedepensang kampeon National University Bulldogs bago sundan ng Ateneo Eagles laban sa FEU Tamaraws.
Si Bajar ang tinokahan ng Maroons para mabigyan ng ningning ang hosting at mismo ang dating batikan na point guard ang naghayag ng paniniwala na papasok ang koponan sa Final Four bunga ng magandang ipinakita sa pre-season tournaments.
Walo ang babalik kasama sina Jett Manuel at Paul Desiderio para tumibay ang pagkukuhanan ng opensa ng koponan.
“This is our first step towards our journey in the UAAP and we are excited and ready to play,” sabi ni Bajar.
Masasabing lamang ang UP sa UE dahil ang Warriors ay maglalaro ng wala ang mga banyagang manlalaro at mayroon pang siyam na rookies.
Sina Abdul, Ferrer at Daquioag ang mga sasandalan ni coach Segundo dela Cruz na nagkaroon din ng mahabang preparasyon para matiyak na handang-handa sa season.
“Long preparation kami ngayon at healthy ang team so I think we’re competitive this year,” pahayag ni Dela Cruz.
Inspirasyon naman ng Falcons na hahawakan ng dating assistant coach na si Mike Fermin ang magandang panimula para maibaon sa limot ang pagkakaroon lamang ng isang panalo sa 14 laro.