MANILA, Philippines - Humigit-kumulang sa 500 riders ang inaasahang lalahok sa isang naiibang road trip para ipagdiwang ang ika-125 kaarawan ni dating Pangulong Elpidio Quirino at ang pang-44 founding anniversary ng Quirino Province.
Magkikita-kita sa event na tinaguriang “Quirino to Quirino (Q2Q)” ang mga motorcycle enthusiasts sa Quirino Grandstand sa Luneta at papasadahan ang kabuuang 350 kilometro patungo sa Quirino Province na pamamahalaan ang annual Governor Junie E. Cua Motocross Cup.
Ang nasabing event ay inilunsad kahapon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate sa pangunguna nina Cua at Cory Quirino, ang trustee at president ng Elpidio Quirino Foundation.
“This is going to be the beginning of a tradition in honor of a President who led us and gave us legacies to remember,” sabi ni Cua sa Pangulong Quirino na nagsimula bilang isang barrio teacher para maging pinakamataas na opisyal sa bansa noong 1948 hanggang 1953.
Sinabi naman ni Cory Quirino na ang okasyon ay hindi lamang para gunitain ang kaarawan ng dating Presidente kundi upang alalahanin ang kanyang mga ideyalismo at prinsipyo.
“Through this (motor bike ride), we want to deliver a message of statesmanship, that from a very humble barrio teacher, he rose to become the highest official of the land. Hindi naging hadlang ang kahirapan sa pagtupad ng kanyang mga pangarap,” sabi ni Cory Quirono kasama sina Raymond Gabriel ng Together We Ride at Toto Villanueva ng Teura Tech Team sa sesyon.
Ang mga Biker clubs na lalahok sa three-day event ay ang Club 200, Any time all the time (ATAT), Ducati Touring Team (DTT), Moto Club Riders (MCR), Brotherhood of Ducati Diavel Philippines (BDDP), Guns Motorcycle Club, Batangas Ducati Club, Ducati Unlimited Club (DUC), Saturday Posers Group (SPG) at Angeles Ducati Club (ACDC).