Bautista, Ladon at Marcial lumakas ang tsansa sa semifinals ng ASBC

BANGKOK – Tiniyak ni flyweight Ian Clark Bautista na mapipitas niya ang isang tiket sa quarterfinal round.

Ito ay matapos niyang dominahin si Trong Thai Bui ng Vietnam, 3-0, sa Asian Boxing Cham­pionships (ASBC) dito sa Tham­masat University Gym­nasium.

Pinaboran ng tatlong jud­ges mula sa Latvia, Kazakhstan at Korea ang 20-anyos na si Bautista, ang gold medalist sa naka­raang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.

Bukod kay Bautista, na­kapasok din sa quarterfinals ang mga kababa­yang sina light flyweight Ro­gen Ladon at welterweight Eumir Felix Marcial.

Tinalo ni Ladon si Rakhmankul Avatov ng Kyrgyzstan, habang binigo ni Marcial si No. 2 seed Israil Madrinov ng Uzbe­kistan.

“The boys were unlucky to run into some top seeds early but we are keeping the faith,” sabi ni Association of Boxing Alliances in the Philippines president Ricky Vargas.

Ang nasabing mga panalo nina Bautista, Ladon at Marcial ang nagpalakas sa pag-asa ng Pilipinas na makakuha ng puwesto sa AIBA World Championships sa Doha, Qatar sa Oct. 5-15 na tumatayong qualifying tournament pa­ra sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Br­a­zil.

Haharapin ni Ladon si second seed Murdjon Ra­sulov ng Tajikistan, be­terano ng Asian Games sa Incheon noong 2014, habang sasagupain ni Marcial si local boy Saylom Ardee na dalawang beses natalo kay Suarez sa 60kg ngunit ngayon ay kuma­kampanya sa 69kg.

Makakatapat naman ni Bautista ang mananalo sa pagitan nina Elegedara Bulugaha ng Sri Lanka at Azat Usenaliev ng Kyrgyzstan.

Tanging ang top six boxers sa bawat weight classes nina Ladon, Bautista at Marcial ang makakalahok sa Doha meet.

Nauna nang napatalsik sina bantamweight Mario Fernandez at lightweight Charly Suarez sa kanilang mga nakaharap na Kazakhstan fighters.

Show comments