MANILA, Philippines - Matapos papirmahin ng kontrata sina top draft picks Fil-Tongan Moala Tautuaa at Jeth Troy Rosario ay isinunod naman ng Talk ‘N Text ang kanilang tatlong beterano na nakatulong sa kanilang championship run.
Muling pinalagda ng panibagong kontrata sina PBA Most Valuable Player Kelly Williams, shooter Larry Fonacier at power forward Harvey Carey.
Ang naturang aksyon ay bilang paghahanda ng Tropang Texters ni coach Jong Uichico sa darating na 41st season ng PBA.
Magbubukas ang PBA season sa Oktubre 18 sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi ibinunyag ng Talk ‘N Text, nagkampeon sa nakaraang PBA Commissioner’s Cup, ang mga detalye ng naturang mga kontrata nina Williams, Fonacier at Carey.
Sinabi ni team manager Virgil Villavicencio na humingi lamang ang 6-foot-5 na si Williams ng one-year contract.
Ito ay dahil sa pagkakaroon niya ng injury habang nag-eensayo para sa Gilas Pilipinas training pool noong Agosto 3.
Nagkaroon ang 33-anyos na tubong Detroit, Michigan ng MCL strain, ngunit hindi na nangangailan ng surgery.
Inaasahang magiging handa ang PBA Slam Dunk champion para sa kampanya ng Tropang Texters.
Pumirma naman si Fonacier ng three-year deal, habang binigyan si Carey, ang natitirang original member ng Talk ‘N Text team na unang nakatikim ng kampeonato sa PBA noong 2003, ng two-year contract.