BANGKOK – Maski naputukan niya sa magkabilang kilay ang karibal na si Kairat Yeraliyev ay nabigo pa rin si Filipino bantamweight Mario Fernandez na makuha ang pabor ng mga hurado.
Nakalasap si Fernandez ng 0-3 kabiguan kay Yeraliyev, ang top-seeded fighter ng Kazakhstan, upang tuluyan nang mapatalsik sa 2015 ASBC Asian Boxing Championships dito.
Naging epektibo man ang mga left hooks ni Fernandez ay nagawa namang kontrolin ni Yeraliyev ang laban patungo sa kanyang unanimous victory.
“Tumatama talaga ‘yung mga hook ko. Pero maganda rin ang straight niya,” sabi ni Fernandez.
Tinalo na ni Yeralivez si Fernandez sa kanilang pagtutuos noong 2013.
Dahil sa mga suntok ni Fernandez ay nagkaroon ng putok si Yeraliyev sa magkabilang kilay sa first round.
Ang ikalawang sugat sa mata ni Yeraliyev ay dahil sa isang accidental headbutt kay Fernandez sa dulong bahagi ng second round.
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng ABAP-PLDT Philippine team laban sa Kazakhstan matapos ang pagkatalo ni lightweight Charly Suarez kontra kay Zakir Safiullin noong Sabado ng gabi.
Nakataya sa torneo ang mga tiket para sa 2015 AIBA World Championships sa Doha, Qatar na nakatakda sa Oktubre.
Nakatakda namang harapin nina light flyweight Rogen Ladon at welterweight Eumir Felix Marcial sina Rakhmankul Avatov ng Kyrgyzstan at No. 2 seed Israil Madrimov ng Uzbekistan, ayon sa pagkakasunod.
Kung mananalo sina Ladon at Marcial, parehong kumuha ng 3-0 panalo sa preliminary bouts, ay papasok sila sa quarterfinals.
Lalabanan naman ni flyweight Ian Clark Bautista, ang gold medal winner sa nakaraang Southeast Asian Games, si Throng Thai Bui ng Vietnam.