MANILA, Philippines – Makikita ng mga Filipino basketball fans sa unang pagkakataon ang Larry O’Brien trophy, ang simboliko ng NBA championship.
Ito ay dadalhin mismo sa Manila ni Golden State Warriors guard Steph Curry para sa one-day visit sa Setyembre 5.
Nasa Asia ngayon ang nasabing NBA trophy na nagmula sa New York at ipinaparada ng NBA champions na Warriors.
Una itong dinala sa Tokyo nang bumisita si Finals MVP Andre Iguodala para sa kanyang two-day tour.
Ibinandera naman ito ni Warriors frontliner Marreese (Mo Buckets) Speights sa Jr. NBA National Training Camp sa Jakarta, Indonesia.
Ibabalik ang tropeo sa Tokyo kung saan sisimulan ni Curry ang kanyang Asian roadshow sa Setyembre 4.
Mula sa Bangkok ay isasama ni Curry ang tropeo sa Manila kinabukasan.
Dadalhin ito sa mga siyudad ng China sa Beijing sa Setyembre 6, sa Chongqing sa Setyembre 7 at Shanghai sa Setyembre 8.
Gagawin ni Curry, ang 2015 NBA MVP, ang kanyang pagbisita sa limang siyudad ng tatlong bansa sa loob ng limang araw.
Ang Under Armour ang magdadala kay Curry sa Asia para i-promote ang bago niyang Curry Two shoe.
Ang ama ni Curry na si Dell, dating NBA player, ay miyembro ng US team na humarap sa Philippine Team ni American coach Ron Jacobs sa FIBA World Clubs Championships sa Spain noong 1985.
Isa sa kanyang mga naging kakampi ay si David Robinson. (QH)