BANGKOK – Alam nina light flyweight Rogen Ladon, bantamweight Mario Fernandez at welterweight Eumir Felix Marcial ang nakataya sa kanilang mga laban.
Madedetermina sa round-of-16 ng ASBC Asian Boxing Championships kung makakapasok ang mga Filipino boxers sa World Championships sa Qatar sa Oktubre.
Haharapin ni Ladon si Rakhmankul Avatov ng Kyrgysztan para sa unang laban ngayon dito sa Thammasat University Gymnasium.
Makakatapat naman ni Fernandez, ang back-to-back gold medalist sa Southeast Asian Games, si top seed Kairat Yeraliyev ng Kazakhstan at makakabangga ni Marcial, ang 2015 SEA Games champion, si second seed Israil Madrimov ng Uzbekistan.
Ito ang ikalawang paghaharap nina Fernandez at Yeraliyev matapos noong 2013 sa Jordan kung saan nanaig si Yeraliyev kay Fernandez.