MANILA, Philippines - Magiging pangunahing panauhin sina Kenneth Faried ng Denver Nuggets at Danny Green ng San Antonio Spurs sa NBA 3X Philippines 2015 ngayon sa SM Mall of Asia Music Hall sa Pasay City.
Dumating sa bansa sina Faried at Green kasabay ang dance team ng NBA champions na Golden State Warriors at ang mascot na si Frankie ng Philadelphia 76ers.
“We’re excited to be here in this beautiful country, the Philippines is really one of the country’s I was hoping to go,” sabi ni Faried, ang 22nd overall pick ng Nuggets noong 2011 Draft at miyembro ng United States team na nagkampeon noong 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Dalawa naman sa limang Warriors dancers ay Fil-Ams.
Ito ay sina Patrisha Festejo Yabes at Clarice Santiago Guido.
Ang iba pang miyembro ng grupo ay sina Jekailah Jami Fort, Tarah Dawn Naismith at Amira Kathleen Mourad.
Ang event ay magkakaroon ng Tattoo slam dunk contest, KFC Bucket 3-point shootout, NBA 3X Halftime kasama sina Faried at Green, ang Warriors’ dance team at si Frankie.
Bukod sa main event, itatampok din sa NBA 3X Philippines 2015 ang celebrity division na lalahukan nina Derek Ramsey, Mong Alcaraz at Rio dela Cruz.
Ang mga official partners ng NBA 3X Philippines 2015 ay kinabibilangan ng adidas, Globe at Tattoo po-wered by Globe, KFC at Phoenix Petrolium kasama ang SM Mall of Asia, Spalding at Mang Tomas bilang mga supporting partners kasama ang ABS-CBN, Sports and Action, BTV at NBA Premium bilang official broadcasters.