MANILA, Philippines - Halos apat na linggo na lamang bago ang 2015 FIBA Asia Championships at aligaga na ang Gilas Pilipinas sa pagkakaroon ng pamatay na porma.
Magtutungo ngayon ang Phl national team sa Taipei para maglaro sa 2015 Jones Cup Invitational Basketball Tournament na pormal na magsisimula bukas.
Kabuuang 17 players ang dadalhin ng Samahang Basketbol ng Pi-lipinas para sa nasabing warm-up competition ng Asian meet na magsisilbing regional qualifier ng 2016 Olympics.
“We requested that we be allowed to enter all our players, choosing 12 at a time,” sabi ni Gilas team manager Butch Antonio.
Sina Jimmy Alapag, Gabe Norwood, Sonny Thoss, Jayson Castro, Matt Ganuelas-Rosser at Ranidel de Ocampo ay muling magla-laro para sa Gilas team na naghari sa Jones Cup noong 2012.
Idinagdag ng Gilas si Marc Pingris para sa 2015 Jones Cup.
“We’re looking forward to getting Ping. Hopefully everything will go well and he’ll be with us through the Jones Cup and onward,” wika ni coach Tab Baldwin.
“I’ve seen Ping at practice. I know Ping is gonna be very excited to be with the team. We all missed him. We’re all gonna try to get him back to the rotation as fast as possible and get him up to speed,” sabi naman ni naturalized player Andray Blatche.
Magbabalik ang National sa Jones Cup matapos mawala ng 2-taon.
Makakasukatan ng Gilas Pilipinas sa torneo ang Iran, South Korea, Japan, Chinese Taipei A at B teams, ang Wellington Saints ng New Zealand, Spartak-Primorye ng Russia at isang US selection.
Lalabanan ng Gilas ang Chinese Taipei A bukas ng alas-7 ng gabi sa kanilang unang laro.
Si LA Laker guard Jordan Clarkson ay tatayong ‘observer’ sa unang tatlong laban ng Gilas.
Hangad ni Baldwin na mapatibay pa ang samahan ng Gilas Pilipinas bilang preparasyon sa FIBA Asia tourney.
Kumpara sa Gilas, pinangalanan na ng Korea ang kanilang Final 12 para sa FIBA Asia Championships.
Matapos ang Jones Cup ay sasabak naman ang Gilas sa MVP Cup sa Set-yembre 11-13 laban sa Lebanon, Chinese Taipei at sa Wellington Saints ng New Zealand.