MANILA, Philippines - Noong 2012 Olympic Games sa London ay tanging si Mark Anthony Barriga lamang ang naipadala ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP).
Para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil ay umaasa si ABAP executive director Ed Picson na mas marami silang maipapadalang boksi-ngero para sa inaasam na kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa.
Ngunit hindi ito magiging madali dahil ilang mabibigat na international tournament ang dadaanan ng mga Filipino fighters para makakuha ng tiket patungong 2016 Rio Olympics.
Magsisimula ang krusada ng ABAP para sa Olympic berth sa pag-lahok sa Asian Confederation Boxing Championships bukas sa Bangkok, Thailand.
Ang mga isasabak ng ABAP ay sina Rogen Ladon (48kg), Ian Clark Bautista (52kg), Mario Fernandez (56kg), Charly Suarez (60kg) at Eumir Felix Marcial (60kg).
“We are confident of our chances. We’re just hoping that we’ll get a good draw para nang sa ganoon ay mas lumaki ang chances natin,” sabi kahapon ni Picson sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s Malate.
Sina Ladon, Bautista, Fernandez at Marcial ay sumikwat ng gold medal sa kanilang mga dibisyon sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Ang Asian Championships ay ang qualifying event para sa AIBA World Boxing Championships na susuntok sa Oktubre 7-17 sa Doha, Qatar. Ang AIBA World Boxing Championships ay ang qualifying tournament naman para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro.
Kabuuang 10 weight classes ang paglalabanan sa Asian Championships at ang babanderang pitong boksingero sa 49kg, 52kg, 56kg, 60kg, 64kg, 69kg, 75kg at 81kg ang aabante sa World Championships.
Ang isang tiket sa nasabing mga weight divisions ay nakareserba sa mga boxers ng host Thailand.
“This early, gusto nating makauna. Iyong mga kagaya nina Mark Anthony Barriga puwede pa naman silang makasali sa iba pang Olympic qualifying,” wika ni Picson.