MANILA, Philippines – Paiinitin uli ng Emilio Aguinaldo College Generals ang nanlalamig na kampanya habang kakapit sa ikatlo at apat na puwesto ang La Salle Archers at NCBA Wildcats sa pagbabalik-askyon ng Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Katipan ng Generals ang UP Maroons sa ganap na alauna ng hapon at balak nilang wakasan ang dalawang sunod na talo na bumulaga sa kanila sa pagtungtong ng liga sa nasabing yugto.
May 2-3 baraha ang NCAA champion Ge-nerals para sa ikalimang puwesto ang kung matalo pa ay malalagay sa alanganin ang hangaring makapasok sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Talo ang Generals sa St. Benilde Blazers at Ateneo Eagles kahit nagtala si Howard Mojica ng impresibong 35 at 41 puntos sa dalawang laro.
Inaasahang kakamada uli ang leading scorer ng liga na si Mojica pero mas gaganda ang tsansang manalo kung tutulong ang mga kakampi.
Kalaro ng La Salle ang wala pang panalong FEU Tamaraws dakong alas-3 ng hapon habang mapapalaban ang NCBA dahil ang walang-talo at semifinalist nang Ateneo ang kanilang kaharap dakong alas-5 ng hapon.
Magkasalo ang Archers at Wildcats sa ikatlo at apat na puwesto sa 2-2 karta at lalapit pa sila sa puwesto sa susunod na round kung palarin sa kanilang mga laro. (AT)