MANILA, Philippines – Apat na araw matapos makipag-usap kay coach Tab Baldwin ukol sa hindi niya pagsama sa Gilas Pilipinas dahil aniya sa mga bagay na hindi niya kontrolado, binawi naman ito ni Marc Pingris kahapon.
Inihayag ng 6-foot-5 na si Pingris na gusto na niyang maglaro uli sa Gilas Pilipinas para makatulong sa pagsikwat ng tiket sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil. Iginiit ni Pingris na ang Purefoods management ang humikayat sa kanya na bawiin ang nauna niyang desisyon at hindi ang pagtuligsa ng mga basketball fans sa social media.
“Despite my earlier pronouncement not to join and give others a chance to play for the country, Purefoods management has asked me to reconsider my decision. I talked to my wife and we agreed,” wika ni Pingris sa kanyang official statement. “In the end, it was pride and honor in representing the Philippines that prevailed over me.”
Sinabi naman ni Star Hotshots governor Rene Pardo ng SMC organization na ito ay desisyon mismo ni Pingris.
“He will represent the country because he wants to. We have no control over our players’ decision when it comes to competing for the national team,” wika ni Pardo kay Pingris.
Nauna nang tumanggi sina back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajar-do ng San Miguel at Ginebra point guard LA Tenorio na sumama sa Gilas Pilipinas ni Baldwin.
Idinahilan ng 6’10 na si Fajardo ang kanyang foot injury, habang may fatigue naman si Tenorio na nagsabi ring lubhang mahirap para sa kanya ang bitawan ang Gilas Pilipinas para maibalik ang kanyang katawan sa tamang kondisyon para sa darating na 41st PBA season.