Pinalaki ang premyo sa Bagatsing Cup
MANILA, Philippines - Mas pinalaking papremyo ang siyang sinasandalan para mas maging palaban ang mga pangarerang kabayo tungo sa paglista ng bagong record sa gaganaping 7th Mayor Ramon D. Bagatsing Cup Racing Festival sa Agosto 30 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite
Tatlong P1 million stake races ang magpapatingkad sa pestibal bilang paggunita sa kaarawan ng da-ting Alkalde ng Maynila.
“Nasa ikapitong taon na ang Bagatsing Cup at pa-laki nang palaki at paganda nang paganda ang karerang ito. Last year ay nasa P7.5 milyon ang kabuuang premyo na pinaglabanan pero ngayong taon ay mas dumami ang sponsors kaya’t umabot sa P8.5 ang package prize,” pagmamalaki ni Manila Congressman Amado Bagatsing na sinamahan ang kapatid at Philracom commissioner Ramon “Dondon” Bagat-sing Jr. at Manila Jockey Club Inc. Marketing head Nathan Mazo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Sa Sabado pa lamang ay sisimulan na ang selebras-yon sa pagkakaroon ng limang karera na may guaranteed prize na P200,000.00 para sa mananalong kabayo.
“Pagagandahin natin at pahihirapin ang karera sa Sabado para magkaroon ng carry-over sa Linggo. Kung mangyari ito ay mas gaganda ang labanan at hindi malayong masira ang record sa gross sales noong nakaraang taon na P43.4 milyon,” dagdag ni Bagatsing.
Ang mga P1 million races ay para sa mga kabayong edad 2-Year Old, 3-Year Old at 4-Year Old and Above.
Nasa 1,000m ang karera sa mga 2YO habang sa mas mahabang 1,750m ang tagisan sa 3YO at 4YO and Above categories.
Mangunguna sa kalahok sa 4YO & Above ay ang Hagdang Bato na magnanais bumangon matapos matalo sa naunang dalawang karera.
Mapapalaban uli ang premyadong kabayo na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos dahil tatakbo rin ang Low Profile, Penrith at ang humuhusay na Messi.
Halagang P600,000.00 ang mapapanalunan ng mga mananalong kabayo sa mga P1 million stakes races na itinaguyod ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Sinabi naman ni Dondon na ang mga sota ng mananalong kabayo ay mag-uuwi rin ng premyong P6,500.00.
Ang kikitain din ng Bagatsing Cup ay ilalaan sa Kabaka Foundation medical mission. (AT)
- Latest