MANILA, Philippines - Nagpalitan ng souvenir sina Filipino boxing superstar Manny Pacquiao at NBA star Anthony Davis ng New Orleans Pelicans.
Dahil sa mabilis na paggaling ng kanyang kanang balikat ay nagawa na ni Pacquiao na pirmahan ang Everlast gloves bilang kapalit ng ipinadalang pirmadong No. 23 Pelicans jersey ni Davis.
Noon pang Mayo natanggap ni Pacquiao ang pirmadong jersey ni Davis pagkatapos ng kanyang kabiguan kay Floyd Mayweather, Jr. sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Pero dahil napilayan siya sa balikat, ipinaabot lamang niya ang kanyang pasasalamat.
“Tell Anthony, thanks,” sabi ni Pacquiao kay Davis na isa sa mga kinasasabikang players ngayon sa NBA bukod kina four-time MVP LeBron James ng Cleveland Cavaliers at Stephen Curry ng NBA champions na Golden State Warriors.
Bago tumulak papuntang Tokyo, Japan noong nakaraang linggo para tumulong sa presentasyon ng Pinas para makuha ang hosting na FIBA World Cup laban sa nanalong China, naipadala na rin sa wakas ni Pacquiao ang kanyang souvenir na pirmadong gloves kay Davis pati na rin kay Demps.
Mismong ang general manager ng Pelicans na si Dell Demps ang umasikaso sa pagpapadala ng pirmadong jersey ni Davis para kay Pacquiao.
Si Demps ay dating import sa Philippine Basketball Association kung saan niya tinulungan ang Pepsi sa runner-up finish noong 1992 Reinforced Conference.
Bago siya maging GM ng Pelicans noong Hul-yo ng 2010 ay naglaro si Demps para sa San Antonio Spurs, Orlando Magic at Warriors.
Bukod kay Davis, nakatanggap din si Pacquiao ng pirmadong jersey nina Curry at MVP Derrick Rose ng Chicago Bulls.