Gilas bibiyahe na

MANILA, Philippines – Nag-ensayo sa huling pagkakataon kahapon ng umaga ang Gilas Pilipinas training pool bago mag-impake ng kanilang mga maleta sa pagbiyahe sa Estonia  sa kanilang preparasyon para sa darating na 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China.

Kung makukuha nila ang kanilang mga Schengen visas mula sa Norway embassy ngayong araw ay tatlong araw silang magsasanay sa Baltic republic west ng Russia bago simulan ang pocket competition laban sa tatlong European teams.

Kung hindi man ito mangyayari ay aalis ang Gilas contingent kinabukasan.

Hindi naman tiyak na makakakuha sina Calvin Abueva at Terrence Romeo ng visa kasabay ng grupo.

Ito ay dahil nag-apply lamang sina Abueva at Romeo ng kanilang mga visa noong Biyernes ng hapon.

Ni-renew ni Abueva ang kanyang passport, habang kalalabas lamang ni

Romeo mula sa ospital bunga ng viral infection.

Umaasa ang Gilas coaching staff na makakasama sa koponan sina Abueva at Romeo para sa pocket tournament sa Estonia kung saan nila magagamit ang mga natutuhan nila sa training camp na sinimulan nila noong Aug. 3.

Nilinaw ni coach Tab Baldwin na ang misyon nila sa Estonia ay hindi para manalo kundi para makabuo ng chemistry.

“At this stage, we need our mind more than our heart. And that might mean we might not play our best, but I’m okay with that for as long as we improve and grow,” wika ni Baldwin.

“These games in Estonia might not be very pretty, but the big thing for me is to make progress,” iginiit pa nito.

Mas mababa sa ranggo ng Pilipinas ang Estonia, Iceland at Netherlands sa FIBA World Ranking ngunit inaasahang mahihirapan ang Gilas dahil sa laki at lapad ng mga players ng tatlong bansa.

Nauna nang ibinasura ng Gilas Pilipinas ang pagkakaroon sana ng training camp sa Turkey.

May walong laro sa Jones Cup at tatlo sa MVP Cup ang Gilas. (NB)

Show comments