Mabilis na naubos ang ticket sa LeBron event

MANILA, Philippines - Eksaktong alas-9 ng umaga kahapon nang buksan ang online portal ng Nike Philippines na nikego.me/LebronRiseTour para sa libreng tiket sa ikalawang pagbisita sa bansa ni NBA superstar LeBron James.

Matapos ang 15 minuto ay naglahong parang bula ang mga tiket.

Ang mga nabigyan ng tiket para sa press conference ni James ng Cleveland Cavaliers sa Agosto 20 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ay pinadalhan ng confirmation email.

Dalawang libreng tiket ang makukuha ng bawat isang suwerteng basketball fan.

Sa unang pagbisita ni James sa bansa noong 2013 habang naglalaro pa para sa NBA champions na Miami Heat ay nagpa-umaga ang kanyang mga fans sa labas ng Bonifaco High Street Nike store para makuha ang kanilang mga tiket.

Ang ilan sa mga tiket ay ibinenta ng mga nakakuha sa halagang mula P10,000 hanggang P25,000 sa online.

Darating sa bansa si James sa Agosto 19 bilang coach ng Nike Rise team laban sa UAAP selection.

Nauna nang bumalik sa bansa si Indiana Pacers star Paul George para sa Nike Rise.

Sa Agosto 20 ay magkakaroon ng press conference si James at tatayong mentor ng mga finalists sa Nike Rise, isang reality documentary program na kumukuha ng mga street ballers sa buong bansa para sumailalim sa training program.

Kung magiging maluwag ang iskedyul ni James, isang four-time NBA Most Valuable Player, ay posibleng magkaroon siya ng out-of-town trip.

Show comments