PSC kailangang magbayad ng P7.5M renta sa CIAC kada-taon kung itutuloy ang training center sa Clark
MANILA, Philippines - Milyong piso kada taon ang kailangang ilabas ng Philippine Sports Commission (PSC) kung itutuloy ang plano na magpatayo ng training center sa lupa na pag-aari ng Clark International Airport Corporation (CIAC) sa Clark, Pampanga.
Ito ang sinabi ni POC president Jose Cojuangco Jr. nang ihayag na nais ng CIAC na pagbayarin ang PSC ng P150,000.00 kada ektarya ng lupa na gagamitin para sa training center.
Nasa 50 ektarya ang lupa na sinisipat na gamitin para sa makabagong pasilidad at kung mabubuo ito ay nasa P7.5 milyon ang perang ilalabas sa isang taon.
Ang naunang sinasabi ng POC at PSC ay nais nilang upahan ang lupang hindi ginagamit ng CIAC sa halagang piso kada taon dahil mga atleta ang makikinabang dito.
“Akala ko ay malinaw na ang lahat pero nang dumating ang draft ng Memorandum of Agreement (MOA) ay nakalagay dito na dapat bayaran ng P150,000 kada ektarya ng lupa na gagamitin. Maaring ito ang sinisingil sa mga negosyante pero wala na ba silang sense of patriotism dahil mga atleta ang makikinabang dito,” ani Cojuangco.
Sa pagkakaalam ni Cojuangco ay ibinalik ng PSC ang dokumento para sa hangaring rebisahin ito.
Itinutulak ng POC at PSC ang makapagpatayo ng makabagong pasilidad dahil sobra na ang polusyon at luma na ang mga ginagamit ng atleta sa Rizal Memorial Sports Complex.
- Latest