Mag-iisip pa si LeBron kung lalaro sa Team USA

LAS VEGAS – Hindi tiyak ni LeBron James kung makakasama siya sa Team USA na maghahangad ng gold medal sa 2016 Olympic Games.

Sinabi ni James na nakasalalay sa kanyang kalusugan at pamilya ang kanyang magiging desisyon at paghahangad sa record na ikatlong basketball Olympic gold medal sa 2016.

“All my decisions go through my family. We’ll see how my family feels about it,” wika ni James. “And then with my health, going another NBA campaign season, as far as my team back home in Cleveland, and I’ll go from there.”

Sumabak si James sa minicamp ng USA Basketball bilang sagot sa pa-nawagan ni chairman Jerry Colangelo na ang sinumang player na gustong mapasama sa 2016 roster ay dapat mag-ensayo sa Las Vegas.

Nagpapawis si James na suot ang No. 27 jersey bagama’t hindi siya maglalaro sa intrasquad exhibition ng koponan sa Huwebes dahil sa pagi-ging abala sa  Ohio.

Puwedeng makasama ang Cleveland Cavaliers All-Star kina Carmelo Anthony at Chris Paul bilang mga tanging three-time gold medalists.

Sina James at Anthony ang maaaring maging unang American na naglaro sa apat na Olympics.

Unang sumabak si James para sa Team USA noong 2004 Olympics kasabay ni Anthony kung saan sila nakakuha ng bronze medal matapos ang kanilang rookie seasons.

Nakasabay nina James at Anthony si Paul noong 2008 at 2012 Olympics.

Sinabi ni James na hindi pa siya sigurado kung muli silang magsasama nina Anthony at Paul sa 2016 Olympics.

“It’ll probably be a joint decision,” sabi pa ni James. “Pretty much everything that we do, for the most part, especially with Team USA, we kind of do together. We’ll see what happens.”

Naglaro din si James noong 2006 world basketball championship at noong 2007 Olympic qualifying tournament.

“LeBron’s made an amazing commitment to our country’s basketball program, huge positive impact besides just winning,” pahayag ng U.S. coach na si Mike Krzyzewski.

 

Show comments