MANILA, Philippines – Hihingin ng dating Olympic at world champion sa pole vault na si Sergey Bubka ang suporta ng PATAFA para sa planong pagtakbo para sa pinakamataas na puwesto sa International Association of Athletics Federatiion (IAAF).
Sa Lunes ay darating sa bansa si Bubka upang makausap si PATAFA president Philip Ella Juico para sa mahalagang tulong sa gaganaping IAAF election sa Beijing, China sa Agosto 19.
Bukas ang isipan ni Juico at handang pakinggan ang mga plano ni Bubka sakaling manalo sa IAAF presidency.
Si Bubka ay nagpunta na rito sa Pilipinas noong nakaraang taon para dumalo sa Olympic Council of Asia (OCA) General Assembly at nakaharap na niya si Juico.
Siya ang tumulong para makapagsanay si Ernest John Obiena sa IAAF Training Center sa Italy. Si Obiena ay bumalik uli sa center noong Hunyo at babalik sa bansa sa unang linggo ng buwan ng Agosto.
“Kailangan natin ng tulong at pakikinggan ko kung ano ang puwedeng mangyari kapag siya ang nanalo,” wika ni Juico na isa sa limang vice presidents sa Asian Athletics Association (AAA).
Kalaban ni Bubka si Sebastian Coe na isang two-time Olympic gold medalist mula Great Britain.
Pang-engganyo ni Coe ay ang pagbibigay ng $25,000 (kulang P1 milyon) sa mga developing countries kada taon para maisaayos ang mga programa sa track and field.