Ayo ‘di pa kontento sa estado ng Letran
MANILA, Philippines - Kasalukuyang sinosolo ng Letran College ang liderato sa kanilang malinis na 5-0 kartada.
Ngunit sinabi ni rookie coach Aldin Ayo na wala pa silang masyadong napapatunayan at hindi pa dapat magdiwang.
“We haven’t accomplished anything yet, I still think we’re the underdogs,” wika ni Ayo sa Knights na pupuntiryahin ang kanilang ikaanim na sunod na panalo sa pagsagupa sa Arellano Chiefs ngayong alas-4 ng hapon sa 91st NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Noong 2013 ay naglista ang Intramuros-based cagers ng matayog na 7-0 panimula, ngunit nabigong makaabante sa Final Four.
Kabilang sa mga naging biktima ng Letran ay ang mga pumasok sa Final Four ng nakaraang season na five-peat champions San Beda, Jose Rizal University at Perpetual Help.
Susubukan ng Knights na kumpletuhin ang pagwalis sa nasabing grupo sa pamamagitan ng panalo sa Chiefs, natalo sa Red Lions sa nakaraang NCAA Finals.
Muling aasahan ng Letran sina point guard Mark Cruz, Rey Nambatac at Kevin Racal sa pagharap kina Jio Jalalon at Michael Salado ng Arellano.
Matapos ang 61-78 kabiguan sa Heavy Bombers noong Hunyo 27 ay apat na sunod na panalo ang inilista ng Chiefs para solohin ang ikatlong puwesto.
“Hindi kami magre-relax. Nabigla din kami na biglang lumakas ‘yung Letran. So ayun, kailangan namin magtrabaho,” sabi ni Jalalon matapos ang 104-92 panalo ng Arellano kontra sa San Sebastian noong nakaraang Biyernes para sa kanilang pang-apat na dikit na arangkada.
Sa nasabing apat na sunod na ratsada ay nagposte ang Chiefs ni mentor Jerry Codiñera ng average na 94 points.
Ginamit din ng Arellano ang kanilang kalamangan sa steals sa kanilang average na 11.60 per game.
“That’s our strength and hopefully we could continue doing what we do best, which is to run, get steals and run,” wika ni Codiñera.
Sa alas-2 ng hapon ay magtatagpo naman ang Mapua Cardinals at ang Lyceum Pirates matapos ang banggaan ng Stags at Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-12 ng tanghali.
- Latest