Unang Stakes Race ng PCSO lalarga ngayon
MANILA, Philippines - Unang stakes win sa unang opisyal na takbo ang nais ng anim na kabayo na tatakbo sa PCSO 2YO Special Maiden Race ngayon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang mga kabayo at mga hineteng maglalaban-laban sa tampok na karera ngayong hapon ay ang Archer Queen ni RH Silva, Rolling Mills ni RO Niu Jr., Spectrum ni Dan Camañero, Total Defiance ni AR Villegas, Ora ET Labora ni Lf De Jesus at Killer Hook ni Pat Dilema.
Nasa P 1 milyon ang kabuuang premyo na inilagay ng nagpapakarerang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at ang mananalo ay magkakamit ng P600,000.00 unang gantimpala. Ang winning breeder ay may P50,000.00 premyo.
Inilagay ang karera sa 1,200m distansya at ang papangalawa ay may P225,000.00 at ang papangatlo ay magbibitbit ng P125,000,00 premyo. Ipinalalagay na paborito ang Spectrum matapos manalo sa trial race at
naorasan ng 1:15.8 segundo.
Pumangalawa sa trial race ay angTotal Defiance bago sinundan ng Killer Hook, Ora Et Labora at Archer Queen.
Ginawa ito noong Hulyo 10 pero tiyak na ikinondisyon ng kani-kanilang trainers ang iba pang kasali para mas mapaghandaan ang nasabing labanan.
Ito ang una sa limang 2-YO Maiden races na nakakalendaryo sa mga pakarera ng PCSO para sa taong ito.
Ang susunod ay sa Setyembre 12 sa Metro Turf sa Malvar, Batangas habang ang tatlong iba pa ay sa PRCI uli sa Setyembre 26, San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa Oktubre 31 at sa Metro Turf sa Nobyembre 14.
- Latest