Wala pa ring talo ang Letran Knights

MANILA, Philippines - Ito na ang pinakamaganda nilang simula matapos iposte ang 7-0 record noong 2013.

Dumiretso ang Letran Knights sa kanilang panglimang sunod na panalo matapos gibain ang Perpetual Altas, 79-71 para solohin ang liderato ng 91st NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Kung napuwersa ng Knights ang San Sebastian Stags sa league-worst na 43 turnovers noong Martes ay pinilit naman nilang maka-gawa ang Altas ng 27 errors na nagresulta sa kanilang 25 points.

Nalimitahan din ng Letran si 6-foot-8 Nigerian Import Bright Akhuetie sa season-low na 7 points at 6 rebounds matapos magtala ng mga averages na league-high na 25 points at 15 boards para sa Perpetual.

Pinamunuan nina Rey Nambatac at Mark Cruz ang Knights sa magkatulad nilang tig-15 points, habang nagtala si Jomari Sollano, isang rookie transferee mula sa University of Southern Philippines Foundation sa Cebu ng 14 points, 6 boards, 3 steals at 3 blocks.

Sa unang laro, humakot si 6-foot-8 Nigerian import Ola Adeogun ng season-highs na 25 points at  13 rebounds para banderahan ang five-peat champions na San Beda Red Lions sa 73-67 panalo laban sa St. Benilde Blazers.

Ito ang ikalawang sunod na ratsada ng Red Lions para sa kanilang 4-1 kartada, habang nahulog ang Blazers sa 1-4 panalo-talo.

Nagtayo ang San Beda ng 19-point lead, 35-16 sa second period hanggang makalapit ang St. Benilde sa 48-50 agwat papasok sa fourth quarter.

Ngunit isang 11-0 atake ang ginawa ng Red Lions para muling makalayo sa Blazers at angkinin ang panalo.

 

 

Show comments