MANILA, Philippines – Para makatulong sa pagtustos sa mga gastusin ng pagpapanatiling mga pangarerang kabayo ay nagsasagawa ang Philippine Racing Commission (Philracom) ng mga pakarera na may added prizes para sa mga horse owners.
Napagkasunduan ng Philracom Board ang bagay na ito dahil sa paglaki ng gastos ng isang horse owner para magmantini ng mga pangarerang kabayo.
Halagang P5,000.00 ang dagdag na premyo para sa mga horse owners na mananalo sa mga class division races.
Ang pagkilos na ito ng pamunuan ni chairman Andrew Sanchez ay matapos ang pagdulog ng mga horse owners sa Komisyon dala ng dagdag gastos na pinapasan ng mga horse owners.
Ang pagkukunan ng pondo para rito ay mula sa natitipid na pondo ng Philracom.
“The additional prize shall be taken from the savings of Philracom, subject to availability of funds and to pertinent laws and budgetary rules and regulation,” nakasaad sa board resolution para sa usaping ito.
Tumaas ang halaga ng pagkain at mga bitamina na kailangan para matiyak na magiging masigla ang mga pangarerang kabayo.
Dahil tatlong race tracks na ang ginagamit sa pangangarera kaya’t kailangang tiyakin ng mga horse owners na nasa maayos lagi ang pangangatawan ng mga panlaban.