MANILA, Philippines – Madaling umabante sa best-of-five semifinals series ang Tropang Texters, habang dumaan naman sa butas ng karayom ang Elasto Painters.
Ang agaw ni Jeff Chan kay import Michael Dunigan ng No. 8 Barangay Ginebra sa natitirang 4.9 segundo sa laro ang nagtakas sa 92-91 panalo ng No. 1 Rain or Shine sa kanilang quarterfinals match-up sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nauna nang kinuha ng Gin Kings ang 72-63 abante sa kaagahan ng fourth quarter mula kay Japeth Aguilar bago naagaw ng Elasto Painters, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals, ang unahan sa 90-87 sa 1:33 minuto nito.
Dalawang basket nina Mark Caguioa at seven-foot center Greg Slaughter ang nagbigay sa Ginebra ng 91-90 bentahe kasunod ang agaw ni Chan kay Dunigan para sa 92-91 kalamangan ng Rain or Shine sa nalalabing 4.9 segundo.
Ang mananalo sa best-of-three quarterfinals series ng No. 4 NLEX Road Warriors at No. 5 Meralco Bolts ang lalabanan ng Elasto Painters sa semis.
Dinomina naman ng No. 2 Talk ‘N Text, may hawak na ‘twice-to-beat’ incentive, ang No. 7 Barako Bull, 127-97.
Umiskor si import Ivan Johnson ng 35 points para sa ikaapat na sunod na semifinals stint ng Talk ‘N Text.
Makakatapat ng Tropang Texters sa semis series ang mananaig sa duwelo ng No. 3 Purefoods at No. 6 Alaska.
Tangan ang 1-0 bentahe sa serye, sasagupain ng Hotshots ang Aces ngayong alas-3 ng hapon, habang lalabanan ng Bolts ang Road Warriors sa alas-5:15 sa Smart Araneta Coliseum.
Pinatumba ng Purefoods ang Alaska, 120-86, at tinalo ng Meralco ang NLEX, 97-82, sa Game One noong Biyernes.
TALK ‘N TEXT 127 – Johnson 35, Castro 18, De Ocampo 16, Rosser 12, Fonacier 10, Alas 8, Seigle 8, Washington 5, Williams 4, Espiritu 3, Carey 2, Labagala 2, Reyes 2, Aban 2, Miller 0.
Barako Bull 97 – Alabi 23, Intal 22, Lanete 13, Pascual 12, Garcia 6, Lastimosa 6, Marcelo 6, Mercado 4, Hubalde 3, Salvador 2, Salva 0, Paredes 0.
Quarterscores: 45-23; 75-44; 101-73; 127-97.
RAIN OR SHINE 92 – Chism 17, Chan 17, Almazan 17, Lee 9, Norwood 9, Uyloan 5, Araña 4, Quiñahan 4, Cruz 4, Teng 2, Tiu 2, Belga 2, Teng 0.
Ginebra 91 – Slaughter 26, Aguilar 14, Caguioa 14, Dunigan 11, Urbiztondo 7, Tenorio 7, Helterbrand 5, Yeo 4, Baracael 3, Ellis 0.
Quarterscores: 21-18; 44-42; 63-68; 92-91.