MANILA, Philippines - Sa balanseng atake ng Meralco, mahihirapan na silang talunin ng kahit sinong koponan.
Umiskor si Mark Macapagal ng 22 points, tampok ang 5-of-10 shooting sa three-point line, para pangunahan ang lima pang players sa double figures sa pag-akay sa Bolts sa 97-82 paggiba sa NLEX Road Warriors sa quarterfinal round ng 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagdagdag si import Josh Davis ng 16 points kasunod ang 14 ni Sean Anthony, 13 ni Gary David at tig-10 nina Mike Cortez at Reynel Hugnatan para sa 1-0 abante ng Meralco sa kanilang best-of-three quarterfinals series ng NLEX.
“Tonight we did a good job sharing the basketball. It makes life easy that we made our outside shots,” sabi ni coach Norman Black sa kanyang Bolts, nauna nang tinalo ng Road Warriors, 89-76, sa eliminasyon.
Itinayo ng Meralco ang 20-point lead, 66-46, mula sa ikaapat na tres ni Macapagal sa 2:45 ng third period bago nakadikit ang NLEX sa 61-69 buhat sa 15-3 atake sa pagsasara ng nasabing yugto.
Muling nakalayo ang Bolts sa pamamagitan ng 23-point advantage, 93-70, sa huling 3:14 ng final canto para tuluyan nang selyuhan ang kanilang pagresbak sa Road Warriors, nalasap ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan makaraang magtala ng five-game winning streak.
“Our offense has really let us down. Hopefully we can build on this,” sabi ni Black.
Ang mananalo sa pagitan ng Meralco at NLEX ang lalaban sa mananalo sa pagitan ng No. 1 Rain or Shine at No. 8 Ginebra para sa semifinals series.
Kasalukuyan pang naglalaban ang No. 3 Purefoods at ang No. 6 Alaska habang isinusulat ito kung saan ang magnanaig ang sasagupa sa mananalo sa No. 2 Talk ‘N Text at No. 7 Barako Bull sa semis,
Samantala, haharapin ng Rain or Shine ang Ginebra ngayong alas-5:15 ng hapon matapos ang upakan ng Talk ‘N Text at Barako Bull sa alas-3 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Parehong may ‘twice-to-beat’ advantage, isang panalo lamang ang kailangan ng Elasto Painters at Tropang Texters para pumasok sa semifinals.
Meralco 97 - Macapagal 22, Davis 16, Anthony 14, David 13, Cortez 10, Hugnatan 10, Hodge 7, Reyes 2, Ildefonso 2, Wilson 1, Caram 0, Dillinger 0, Ferriols 0.
NLEX 82 - Thornton 23, Cardona 17, Villanueva J. 13, Canaleta 8, Villanueva E. 6, Taulava 5, Ramos 4, Raymundo 2, Lingganay 2, Baloria 2, Borboran 0, Apinan 0, Arboleda H. 0.
Quarterscores: 34-19; 47-36; 69-61; 97-82.