Performance ng mga atleta sa National Open-Invitational pag-aaralan ng PATAFA
MANILA, Philippines – Pag-aaralan ng PATAFA ang mga markang ibinigay ng mga national athletes na tutulak sa Singapore SEA Games sa idinaos na Philippine National Open-Invitational Athletics Championships na ginawa sa Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
“Of course our expectations is may mga mabi-break na national record. Pero nakita naman din natin ang kondisyon,” wika ni PATAFA president Philip Ella Juico.
Isang junior record sa 110m hurdles lamang ang nasira sa apat na araw na kompetisyon at isa na sa kadahilanang ito ay ang pagkakaroon ng injuries ng ibang manlalaro bukod sa panaka-nakang pagbuhos ng ulan.
“Mayroon pa namang ibang tournaments tulad ng Singapore Open at Vietnamn Open kaya we can still evaluate them,” dagdag ni Juico.
“Maganda naman ang nangyaring kompetisyon dahil may mga lumabas na bagong mukha,” sabi pa ni PATAFA secretary-general Renato Unso.
Unang-una sa nagpakita ay ang Fil-Am na si Caleb Stuart na nagwagi ng tatlong ginto sa shot put, hammer throw at discus throw.
Sa tatlong events na ito ay tunay na patok siya sa hammer throw dahil ang kanyang naitalang 64.81may lampas pa rin sa SEAG record na 62.23m.
Lumutang din si Marco Vilog ng Lyceum –Batangas na nakaabot ng SEAG bronze medal criteria nang pinangunahan ang 800m run sa bilis na 1:51.60. Ang SEAG criteria at 1:51.91.
Pero hindi makakasama sa Singapore SEAG si Vilog dahil hindi kasama ang pangalan sa ipinatala ng PATAFA. Ngunit isasama ang kanyang pangalan sa national pool matapos rebisahin ang resulta ng Open.
“Sa isinagawang pagpupulong sa mga coaches ay nagbigay sila ng mga suggestion sa mga puwedeng gawin sa mga athletes. Maganda naman ang kanilang suggestion at lahat ng ito ay mapag-uusapan kapag nagpulong uli ang PATAFA,” dagdag ni Unso.
Balak ng ipadadalang pambansang delegasyon sa athletics ang humakot ng 8 hanggang 12 gintong medalya sa Singapore SEAG. (AT)
- Latest