4 championship card sa Elorde Awards
MANILA, Philippines – Isang quadruple championship card na katatampukan ng dalawang apo ng isang boxing great ang magpapainit sa 15th Gabriel “Flash” Elorde Memorial Awards and Banquet of Champions bukas sa Manila Hotel.
Lalabanan ni Juan Martin “Bai” Elorde si Hirotsugu Yamamoto ng Japan para sa WBO Asia-Pacific super featherweight championship, habang ang kanyang nakababatang kapatid na si Juan Miguel “The Boss” Elorde ang sasagupa kay Tabthong Tor Buamas para sa bakanteng WBO Asia Pacific Jr featherweight belt.
Sa iba pang title bouts, makakaagawan ni VinVin Rufino si Mark Gil Melligen para sa OPBF featherweight crown at magsasalpukan sina Philippine champion Monico Laurente at Marco Demecillo Singwancha para sa Philippine bantamweight crown.
Ang boxing event, tinawag na ‘Boxing Kontra Droga’ ay sisimulan ng dalawang preliminaries sa alas-3 ng hapon bago ang main program na Elorde Banquet of Champions sa alas-7 ng gabi.
Ang weigh-in ay nakatakda ngayong alas-10 ng umaga sa Elorde Sports Center sa Sucat, Parañaque.
Si Sen. Aquilino Pimentel III ang magiging guest of honor at speaker at siya ring magluluklok kina WBO light flyweight champion Donnie Nietes at WBA super bantamweight champion Nonito Donaire sa Elorde Boxing Hall of Fame.
Ito ay dahil sa kanilang pitong sunod na pagtanggap ng Boxer of the Year award simula noong 2007.
Ang iba pang top awardees ay sina 2014 champions Randy Petalcorin, ang bagong WBA titleholder, at Rey Loreto, ang 2014 IBO light flyweight titleholder.
- Latest