MANILA, Philippines – Bago pa man masikwat ng Rain or Shine, Talk ‘N Text at nagdedepensang Purefoods ang No. 1, No. 2 at No. 3 seats, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinal round ay alam na ni NLEX coach Boyet Fernandez na ang No. 4 ticket lamang ang maaari nilang makuha.
“Hindi ko na iniisip ‘yung ‘twice-to-beat’ because you have Purefoods that beat us by a mile, tapos Talk ‘N Text and then Rain or Shine.
Kahit mag-tie kami dun, talo pa rin kami,” ani Fernandez. “But just getting in the best-of-three series is good for us.”
Sa tournament format, haharapin ng No. 1 at No. 2 teams, may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage, ang No. 8 at No. 7 squads, ayon sa pagkakasunod, habang maglalaban sa magkahiwalay na best-of-three series ang No. 3 at No. 6 teams gayundin ang No. 4 at No. 5 teams.
Nasa kanilang five-game winning streak, lalabanan ng Road Warriors ang Barako Bull Energy ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang salpukan ng San Miguel Beermen at Globalport Batang Pier sa alas-7 ng gabi sa PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Binuksan ng NLEX ang komperensya sa masamang 0-3 panimula kumpara sa 3-0 ratsada ng Barako Bull.
Ngunit naging maganda ang pagsasamahan nina import Al Thornton, Asi Taulava, Mac Cardona, Jonas Villanueva at Niño Canaleta para sa biglaang pag-akyat ng Road Warriors.
Sa 102-86 paggiba ng NLEX sa Kia noong Marso 18 ay humakot si Thornton ng 33 points kasunod ang 20 markers ni Jonas Villanueva, habang may 10 si Taulava.
“We need to stay focused. If we start making excuses, we will lose,” sabi ni 6-foot-9 na si Taulava.
Sa ikalawang laro, pipilitin naman ng San Miguel, naghari sa nakaraang PBA Philippine Cup, na talunin ang Globalport at umasa sa quotient system para makasilip ng pag-asa sa quarterfinals.
“Ang biggest lesson sa amin after we won the championship, sana nag-isip na kami ng lahat ng puwedeng mangyari,” wika ni Beermen mentor Leo Austria.